Sunday, January 17, 2010

Ang mga Tuko

Napakaraming taong mainggitin. Nagkataon, naiinis ako sa kanila at pinagdarasal ko nga na magbago na ang mga mokong na iyon. Dahil sa inis at galit, naalala ko ang kwentong kahayupan na ito. Sa di malayong kawayanan, may nakatirang magkapatid na tuko na nagngangalang Alejandro at Rodante.




Si Alejandro ang nakatatandang tuko. Sa mata ng mga tao, marahil, magkamukha lamang lahat ng mga tuko pero si Alejandro ay kakaiba. Mas malaking di hamak ang kanyang mga mata, tenga, at bibig kumpara sa ibang mga tuko.

Si Rodante naman ang nakababatang tuko. Ordinaryo lamang ang itsura niya, at kung itatabi sa ibang mga tuko, wala siyang magiging pagkakaiba sa kanilang lahat.

Dahil magkatabi ang mga bahay nina Alejandro at Rodante sa kawayanang malapit sa isang bangin, masayang namumuhay ang magkapatid na tuko pero kasinungalingan ang huling pangungusap na ito.

Sa katotohanan, hindi maganda ang sitwasyon ng magkapatid dahil mainggitin si Alejandro. Isang araw, nakita ng malalaking mata ni Alejandro na nagpapagawa ng second floor si Rodante para sa kanyang bahay na kawayan. Dahil sa inggit, namula ang mata ni Alejandro at bigla siyang tumawag sa mga construction workers para magpagawa din second floor. Nagpadagdag pa siya ng terraces para daw mas bongga ang bahay niya kumpara kay Rodante.



Pagkatapos magawa ang second floor ng bahay ni Alejandro, naglakad siya sa buong kawayanan at ipinagyabang na mas maganda ang bahay niya. Sa kanyang paglalakad, narinig ng malalaking tenga niya na may pinagtsitsismisan ang isang tagak at isang palaka.

"Huy, kumareng Palaka, habang nakapatong ako sa aking kalabaw, nakita ko na may mga bagong appliances si Rodante Tuko," ang sabi ng tagak.

"Wowowee! Sosy naman yang si Rodante. May second floor na, may mga bago pang appliances," ang manghang-manghang naibulalas ng daldalerang palaka.



"Hindi pwede ito. Malalamangan na naman ako ni Rodante," ang sabi ni Alejandro sa sarili niya kaya't naisipan niyang dumiretso sa pinakamalapit na BDO branch upang mag-withdraw ng perang ipambibili niya ng mga appliances.

Dahil nalamangan na ni Alejandro ang kanyang nakababatang kapatid, naging masaya siya.Isang gabi, pagkatapos manood ng TV, napagpasyahan ni Alejandrong matutulog na siya. Sobra ang ligayang naramdaman niya dahil panalo na naman siya, at siya ay tumuko sa labas ng bintana upang ipagyabang ang kanyang pagkapanalo sa kapatid at kapitbahay niyang si Rodante. Papasok na sana siya sa kuwarto nang may narinig siyang hindi niya nagustuhan.

"Tuko! Tuko! Tuko!" ang sabi ng boses.

Aba!" ang sabi ni Alejandro, "si Rodante iyon ah. Parang hinahamon niya ko sa palakasan ng pagtuko." Dahil sa inggit at kagustuhang lumamang, tumuko din ng malakas si Alejandro gamit ang kanyang malaking bibig. "TUKO! TUKO! TUKO!"

Nakinig nang mabuti si Alejandro kung tutumbasan o hihigitan ni Rodante ang pagtuko niya. "Tuko! Tuko! Tuko!" Lalong lumakas ang pagtuko ni Rodante.


"Naku, talaga namang hinahamon ako nitong si Rodante ah! Mas lalakasan ko pa ang pagtuko ko," at siya ay lumanghap ng maraming hangin upang mas malakas ang susunod niyang pagtuko at ibinuka niya ang kanyang malalaking bibig na kasing laki na ng isang plato. "TUKO! TUKO! TUKO!"


Nakinig muli si Alejandro gamit ang kanyang mala-elepanteng tenga. "Tuko! Tuko! Tuko!" ang muling narinig niya mula sa direksiyon ng bahay ni Rodante.

Talagang ayaw magpalamang ni Alejandro kaya ginamit na niya ang kanyang airpump para mas maraming hanging mailagay sa kanyang baga at bigla siyang sumigaw gamit ang kanyang bungangang ngayo'y sinlaki na ng mga gulong ng pison. "TUKO! TUKO! TUKO!"

Hindi tumigil si Alejandro sa pagsigaw.

"TUKO! TUKO! TUKO!"

Nang biglang may malakas na narinig ang lahat ng hayop sa gubat at kaparangan.

Tuk-KABLOOOMMM!


Biglang pumutok ang baga ni Alejandro sa pag-pupumilit na maging mas malakas ang pagtuko kaysa kay Rodante. Ni hindi man lang siya makahingi ng tulong dahil hindi na niya magamit ang boses niya. Malapit nang magdilim ang paningin ni Alejandro nang biglang may maramdaman siyang tumatakbong papalapit sa kanya.

"Call 911!!! Call 911!!!" ang sigaw ni Rodante sa asawa ni Alejandro. "Kuya, anong nangyari? Natutulog ako nang may bigla akong narinig na malakas na putok," ang alalang-alalang sabi ni Rodante. Nagtaka si Alejandro. Sa isip isip niya, sino kaya ang nakikipag-kumpitensiya sa kanya sa pagtuko kung tulog naman ang kapatid niya?

Nang inilalabas na siya ng mga taong galing sa ospital para isakay sa ambulansiya, biglang naalala ni Alejandro na ang kawayanan pala nila ay malapit sa bangin. Dahil sa kanyang pagtuko pagkatapos niyang patayin ng LED TV niya, umalingawngaw at narinig pala niya ang kanyang sarili. Dahil sa alingawngaw at sarili niyang boses ang nilalabanan niya, hindi nga siya mananalo sa sarili niya. Sising-sisi si Alejandro dahil sa kanyang kayabangan, pero huli na ang lahat. Gumaling siya mula sa kanyang injury pero hindi na siya kailanman nakatukong muli. Simula noon, natutunan na niya ang kanyang lesson at hindi na siya muling nainggit pa sa kanyang kapatid o sa ibang tao kahit kailan.

The End.

13 comments:

  1. magandang istorya..sa buhay ng tao ay talagang nakakaramdam talaga ng inggit..hindi iyon naiiwasan..pero pagtatagal ay narerealize din na hindi mabuti ang naiinggit..tanggapin na lang kung ano ang mayroon..

    ReplyDelete
  2. Naku, dapat lang talagang ma-realize yun ng tuko. Kung hindi, ay ewan na lang. Ospital o sementeryo. Hehehehe!

    ReplyDelete
  3. wow ganda ng moral lesson. wag inggitero.. hehe

    ReplyDelete
  4. wow nice naman nito chad.. nako late na ko nakabisita sorry naman. hehehe

    nakakakaaliw ah. si alejandro sarap pilipitin nakakainis. masyadong pampam.

    astig may second floor talaga sa kawayan. hehehe ang wild din ng imagination mo chad. kasing wild ng gubat. ang ganda ng drawing. lalo na si tagak. tagak ba yung kumakain ng dmi sa likod ng kalabaw? hehehe

    :D ayos!!!

    ReplyDelete
  5. Salamat Jasonhamster! Walang nale-late dito sa blog ko. Wag mo isipin yun. Perfect timing lahat ng taong bumabasa dito sa site ko. :-) There's a time for everything and everything has it's time. :-)

    Ops, wag natin pilipitin si Alejandro. Nakita mo naman. Siya ang gumawa ng sarili niyang pagdurusa. :-)

    Yes, may second floor nga ang mga bahay ng mga tuko. Ehehehe! Ganyan talaga pag ang haraya ay dinadaluyong ng kape. Wait mong makabili ako ng scanner ulit. Ehehehe. Para drawing ng kamay ko na ang mga illustration. :-)

    Finally, opo. Tagak po yun pero hindi dumi ang kinakain nila. Mga kuto at kung anu-ano pang nangangagat sa kalabaw. :-)

    Mon, siempre, dapat may moral lesson. Sayang naman kung wala. Pangarap ko kasing maging children's storybook writer. :-)

    ReplyDelete
  6. Pasado ka namang maging children's book writer Chad! Pero sige, praktis ka muna dito. At ang baby ko ang iyong tester. Hehehe!

    Enjoy yun sa makukulay na drawings. Ikaw may gawa nyan?

    ReplyDelete
  7. ayos ah. tindi ng moral story. TOKO pa talaga ang bida. bakit naman toko ang naisip mo na gawing bida? sabagay mainggitin at mahilig xang dumikit. medyo magkatunog hehe.

    http://painuminmoko.crashtequila.info

    ReplyDelete
  8. adik kainis nwala ang una kong comment.
    hahaha. napakganda ng maikling kwento,
    panalo, may aking talino sa pagpapahayag
    ng maikling kwento na kapupulutan ng aral
    parehas kayo ni jasonhamster. hahaha apir apir!!!

    ReplyDelete
  9. ahahaha! nakakaaliw naman at may aral pa. binilisan ko pagbabasa nun TUKOan na ang labanan, kala ko kung sino na un, di ko naisip na echo pala. ahehehe... :)

    ReplyDelete
  10. Ate Ayie, salamat naman at willing ka i-testing kay Pau yung mga istorya ko. Bumabait naman ba siya dahil sa mga kwento? Ah teka. I'm sure, mabait naman talaga siya eh. Mantakin mo, ikaw ang mommy niya. :-)

    Jennifer, naku walang rason. Nung ginagawa ko yan, may tumutunog na tuko dito sa amin. Actually, halos lahat ng mababasa mong storya dito, random lang ang mga characters. Yung plot lang ang sinasadya kong magkaron ng moral lesson.

    Machongbutiki, oo nga. Kinain din ng blog ko yung comment ni Ate Ayie nung isang araw. Gutom ata. Ano bang kinakain ng mga blog? Anyway, nagustuhan mo bang tungkol sa tuko ang kwento? Apir apir din!!!

    Beeftapa, siyempre, ayon sa tradisyon, ang mga kwentong pambata dapat may aral para lumaki silang mabuti ang kalooban. Ang galing ng echo diba?

    ReplyDelete
  11. hahaha,.. oo kaso blog mo nangangain ng comment. nmpakaganda ng pagkakatipa ko ng una kong comment sau kaya siguro kinain. hehhee.

    ReplyDelete
  12. Machongbutiki, pano nga kaya maaayos yun? Sana hindi ko kailangang magpalit ng layout. Feeling ko, nasa template yung problem eh.

    ReplyDelete
  13. maganda yung kwento mo. Naks! ang technology nga naman akalain mo my bangko my appliances en etc. hindi ko akalain na my magpuput ng mga ito sa kwento katulad ng pabula.. but i really like it..
    katunayan nga (hehehe hindi ko na nasabi sayo muna bago ko kinopya. Sorry! en Peace!) Kinuha ko siya as one of my project in Filipino.. nagandahan kasi ako yun lang and thank you..
    Ipagpatuloy mo lang ang pagpaparami.. ng kwento..

    ReplyDelete

Related Posts with Thumbnails